Nanguna ang Kultura at Husay sa Pagbubukas ng Likhang Laguna Bazaars


Opisyal na binuksan ang Likhang Laguna Bazaars ngayong Nobyembre 21 bilang paghahanda sa paglulunsad ng pilgrimage tourism ng Laguna bukas, Nobyembre 22, sa National Shrine at San Antonio De Padua Parish Church. Pinangunahan ang aktibidad ng Laguna Tourism, Culture, Arts and Trade Office (LTCATO) sa pamumuno ni Edgardo Victorio, na nagpakita ng iba’t ibang likhang sining at produkto mula sa mga lokal na artisan. Ibinigay ni Victorio ang kanyang mensahe ng pasasalamat sa matibay na partisipasyon at suporta mula sa mga katuwang sa buong lalawigan.

Bahagi ang bazaar ng patuloy na pagsusumikap ni Governor Sol Aragones na palakasin ang mga lokal na industriya at paunlarin ang turismo sa Laguna. Kumatawan sa gobernador sa programa si dating Luisiana Vice Mayor Luibic Jacob, na naghatid ng mensahe ng suporta sa mga artisan at sa pagsasama ng lokal na kalakalan sa mga pinalalawak na inisyatibo ng turismo ng lalawigan.

Ipinahayag din ni Mayor Queen Alarva ng Pila ang kanyang buong suporta, at binigyang diin ang karangalan ng bayan sa pagho-host ng kaganapan. Inilahad niya ang kahalagahan ng bazaar sa pagpapalakas ng kabuhayan ng komunidad at pagpapaunlad ng lokal na kultura, lalo na sa pagsasabay nito sa nalalapit na paglulunsad ng pilgrimage tourism.

Itinatampok sa taong ito ang 30 lokal na negosyante mula sa bawat lungsod at bayan sa Laguna, na nag-aalok ng iba’t ibang produkto mula sa pagkain at handicrafts hanggang sa fashion at specialty items. Ang bazaar ay nagsisilbing pangunahing plataporma para sa mga artisan at maliliit na negosyo na maipakilala ang kanilang likha sa mas malawak na merkado.

Sa pagbubukas ng Likhang Laguna Bazaars at sa nalalapit na paglulunsad ng pilgrimage tourism, ipinapakita ng lalawigan ang pagtutok sa pagpapalakas ng lokal na mga negosyo pagpapaunlad ng cultural tourism, at pagpapalaganap ng Laguna bilang sentro ng pananampalataya, pamana, at husay ng mga lokal.

Post a Comment

Previous Post Next Post