Gov. Sol Aragones, Nagpamahagi ng Libreng Face Mask sa Mga District Hospitals, Para sa Mas Ligtas at Magaan na Pagbisita ng Pasyente




Ngayong Nobyembre 25, pinangunahan ni Governor Sol Aragones ang pamamahagi ng libreng face mask sa mga district hospitals sa Laguna. Naghatid siya ng tig-10 kahon sa Laguna Medical Center at tig-10 kahon din sa walong district hospitals. Layunin nitong mabigyan agad ng proteksyon ang mga pasyente at mapalakas ang kaligtasan sa loob ng mga pampublikong ospital.

Sa pamamahagi, binigyang diin ng Gobernadora na ang programa ay para sa mga pasyenteng walang kakayahang bumili ng mask. “Yung mga walang pambili, at least bigay na lang natin ito sa kanila. Libre, walang babayaran, ibibigay natin ng maayos,” aniya, bilang pagpapakita ng malasakit sa bawat Lagunense.

Idinagdag pa ni Governor Aragones na naging posible ang pamamahagi matapos siyang makatanggap ng donasyon. “May nag-donate po sa akin ng isang truck na facemask kaya iikot po at bibigyan ang lahat ng district hospitals,” paliwanag niya. Tiniyak din niyang may nakalaang mask para sa mga health worker upang hindi na sila gumastos.

Inatasan naman ang mga guard na tiyaking may suot na mask ang bawat papasok na pasyente at mag-abot ng mask sa mga walang pambili. Nakakatulong ito sa maayos na daloy ng mga tao at sa mas ligtas na pasilidad para sa lahat.

Nagpasalamat ang mga doktor at staff ng emergency room sa hakbang na ito, dahil napapagaan ang sitwasyon ng mga pasyente at mas nagiging kontrolado ang pag-iingat sa loob ng ospital.

Ipinapakita ng programang ito ng Pamahalaang Panlalawigan ang patuloy na pagtutok sa kalusugan ng bawat residente, lalo na sa mga higit na nangangailangan, upang walang Lagunense ang maiiwan pagdating sa pangunahing proteksyon. 

Post a Comment

Previous Post Next Post