I’m Perfect”: Kapag ang Imperfect ay Naging Inspirasyon

Noong Enero 7, 2025, sa loob ng isang sinehan sa SM Calamba, hindi lamang pelikula ang ipinalabas. Isang mas malalim na mensahe ang umalingawngaw—na ang pagiging “imperfect” ay hindi hadlang upang maging ganap, matagumpay, at inspirasyon.
Ang block screening ng pelikulang “I’m Perfect,” isang opisyal na entry at Best Picture ng Metro Manila Film Festival 2025, ay inorganisa ng Gentle Angel Down Syndrome (GADS) ng Calamba City sa tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba sa pangunguna ni Mayor Ross Rizal. Isa itong malinaw na patunay na kapag ang pamahalaan at komunidad ay nagkakaisa, nagiging posible ang inklusibong lipunan para sa mga Persons with Disabilities (PWDs).
Hindi rin matatawaran ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pangunguna ni Governor Sol Aragones, na naiparating sa pamamagitan ng beteranong mamamahayag na si Doland Castro at ng Akay ni Sol Partylist. Bilang pagkilala sa makabuluhang ambag ng pelikula, ginawaran ng sertipiko sina Krystel Go at ang pelikulang “I’m Perfect,” bilang pagpupugay sa mensaheng nagbibigay-dangal at pag-asa sa komunidad ng PWD.
Ang tagumpay ng “I’m Perfect” ay hindi lamang tropeo o parangal. Ito ay simbolo ng pagbabago sa pananaw ng lipunan. Ang pagkapanalo nito bilang Best Picture sa MMFF 2025 ay isang makasaysayang tagumpay—isang pagkilalang ang mga kwentong may puso at adbokasiya ay may puwang sa mainstream na sinema.

Mas lalong naging makabuluhan ang gabi dahil sa tagumpay ng pangunahing bida nitong si Krystel Go, na nagwagi bilang Best Actress. Siya ang kauna-unahang aktres na may Down syndrome na tumanggap ng naturang parangal—isang sandaling nagbigay inspirasyon hindi lamang sa mga PWD, kundi sa kanilang mga pamilya at tagapagtaguyod.
Tumpak ang naging pahayag ni Mayor Ross Rizal nang kanyang bigyang-diin ang diwa ng inklusibidad:
“Yan naman po ay polisiya po natin, inclusivity at syempre po pagkilala po sa ating mga kababayan na may kapansanan pero pinakikita po ang galing, husay, at talento. Ang pagiging imperfect ngayon ay I’m Perfect na.”
Isang simpleng pahayag, ngunit mabigat ang kahulugan—na ang tunay na sukatan ng kakayahan ay hindi pisikal na kondisyon kundi determinasyon at oportunidad.
Para kay GADS President Alicia Parducho, na isa ring magulang ng batang may Down syndrome, personal ang adbokasiya. Ibinahagi niya ang hirap at pangangailangan ng matibay na pundasyon sa pagpapalaki ng mga batang may espesyal na pangangailangan—mula sa pag-aaral kung paano sila tratuhin hanggang sa tamang intervention. Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan si PDAO Head Louisito Apacionado sa patuloy na suporta sa mga pamilya at organisasyon ng PWD sa Calamba.
Samantala, emosyonal ding ibinahagi ni Amelita Go, ina ni Krystel, ang kahalagahan ng maagang intervention sa tagumpay ng kanyang anak, lalo na sa speech therapy. Ang kanyang pasasalamat ay hindi lamang para sa mga tumulong, kundi para sa sistemang naniwala at nagbigay-daan. “Sobrang saya-saya naming,” aniya, isang damdaming sumasalamin sa bawat magulang na may anak na may kapansanan.
Sa huli, ang block screening ng “I’m Perfect” ay higit pa sa isang event. Isa itong paalala na ang inklusibong lipunan ay hindi lamang pangarap—ito ay isang responsibilidad. Sa tamang suporta, maagang intervention, at pantay na oportunidad, ang mga taong minsang tinawag na “imperfect” ay nagiging buhay na patunay na sila ay, sa lahat ng paraan, perfect sa kanilang kakayahang magmahal, mangarap, at magtagumpay.

Post a Comment

Previous Post Next Post