Mainit ang pagtanggap ni Governor Sol Aragones sa mga batang atleta ng Laguna kamakailan sa Provincial Capitol Time Plaza, at sa kanyang mensahe, muling umalingawngaw ang isang mahalagang aral: ang kabataan at palakasan ay hindi lamang tungkol sa tropeo o medalya—ito ay tungkol sa paghubog ng disiplina, karakter, at dangal ng isang mamamayang Pilipino.o sa isang batang pinoy na atleta.
Ang mga batang Pinoy na manlalaro nang magiging mukha ng Lalawigan ng Laguna sa darating na Batang Pinoy 2025, isang pambansang kumpetisyon na higit pa sa pisikal na laban. Isa itong simbolo ng pangarap at sakripisyo. Sa kanilang murang edad, bitbit nila ang pangarap hindi lamang para sa sarili kundi para sa pamilya, paaralan, at buong lalawigan.
Hindi madali ang maging isang batang atleta sa Pilipinas. Sa likod ng bawat medalya ay mga araw ng pagsasanay sa ilalim ng araw, pagkakaltas sa oras ng paglalaro, at minsan pa'y pagtipid sa baon upang makasama sa training. Kaya’t ang naging pangako ni Gov. Aragones na scholarship program para sa mga natatanging atleta ay isang napapanahong hakbang patungo sa mas inklusibong suporta para sa kabataang Pilipino. Isang konkretong pagkilala na ang edukasyon at sports ay dapat magsama sa paghubog ng tunay na lider ng bayan.
Bukod sa scholarship, nagkaloob din ang pamahalaang panlalawigan ng cash incentives at medalya sa mga batang kamakailan lamang ay nanalo sa iba’t ibang kumpetisyon. Isa itong makabuluhang pagkilala sa kanilang pagsisikap—isang mensahe na ang tagumpay sa sports ay may katumbas na suporta mula sa pamahalaan.
Ngunit higit sa anumang insentibo, ang pinakamalaking regalo na naibigay sa mga batang atleta ay ang inspirasyon at tiwala. Sa harap ng kanilang magulang at coach, pinasalamatan sila ni Gov. Aragones: “Kami po sa probinsya ng Laguna ay full support sa ating mga bata at ipagdadasal namin ang inyong tagumpay.”
Saludo tayo sa mga halal ng gobyerno na binigbigyang halaga ang mga manlalaro isang bahagi ng sektor ng lipunan na dapat lagyan ng kaukulang budget, kaya naman sa ina ng lalawigan ng Laguna, Ang Salitang Salamat mula sa mga magulang at manlalaro ay hindi kayang sukatin.
Post a Comment