Sa unang flag ceremony ng buwan ika- 4 ng Agosto 2025, muling pinagtibay ni Gobernadora Sol Aragones ang kanyang mga layunin para sa lalawigan—lalo na sa larangan ng turismo, edukasyon, kalusugan sa komunidad, at sining ng kabataan. Isang buwang nakalipas mula nang siya’y manungkulan, ipinahayag niya ang kanyang adhikain na maging mas makulay, mas inklusibo, at mas progresibo ang Laguna.
Sa seremonyang ginanap sa Laguna Medical Center, kasama ng gobernador sina Pangalawang Gobernador Atty. JM Carait, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at iba pang opisyal ng lalawigan. Tampok sa programa ang makukulay na pagtatanghal mula sa mga estudyante ng Philippine High School for the Arts, na nagpakitang-gilas sa tradisyunal na sayaw at kundiman—isang patunay ng pagpapahalaga sa sining at kulturang Pilipino.
Isa sa mga inilahad ng gobernadora ay ang pagsisimula ng Pilgrimage Tourism sa darating na Disyembre. Ayon sa kanya, “Bawat simbahan sa ating mga bayan ay ilulunsad bilang bahagi ng ating cultural at faith-based tourism.” Kaakibat nito ang pagtatampok sa lokal na pagkain, pagtatanghal, at iba pang pamanang kultural upang mapalakas ang kabuhayan at pagkakakilanlan ng bawat bayan.
Sa larangan ng edukasyon, tiniyak niya na magpapatuloy ang programang pang-iskolar ng lalawigan:
“Hindi dapat hadlangan ng pulitika ang pangarap ng kabataan,” aniya.
Tiniyak din niyang mananatiling benepisyaryo ang mahigit 18,000 iskolar mula sa nakaraang administrasyon. Gaganapin sa Setyembre ang pagsusulit para sa mga bagong aplikante, habang inaasahang magsisimula ang mga payout sa Nobyembre. Ayon sa gobernador, palalawakin pa ang programa sa susunod na taon upang mas marami pang kabataan ang matulungan.
Para naman sa mga Barangay Health Workers (BHW), inihayag ng gobernador na kasama na sa plano ng kasalukuyang administrasyon ang pagbibigay ng kanilang allowance. Inaasikaso na ng Budget Office ang iskedyul ng pagbibigay nito.
Samantala, inanunsyo rin ni Atty. JM Carait ang paglulunsad ng libreng legal na konsultasyon simula Lunes. Ito ay isasagawa sa tanggapan ng Sangguniang Panlalawigan para sa mga residente ng ika-3 at ika-4 na distrito bilang bahagi ng dry run ng programa.
Bilang pagtatapos ng kanyang talumpati, binigyang-pugay ni Gobernadora Sol ang mga lokal na alagad ng sining sa Laguna—mula sa mga makeup artist, mananayaw, mang-aawit, koreograpo, at iba pa. Aniya, “Panahon na upang kilalanin at bigyang-halaga ang talento ng bawat Lagunense.”
Ang nasabing pagkilala ay isasagawa sa tulong ni Board Member Tuti Caringal bilang bahagi ng inisyatibong magpamalas ng yaman ng sining at kultura ng lalawigan.
Sa kanyang paninindigan, pinatotohanan ng gobernador ang kanyang layunin: isang Lagunang makabago, malikhain, at may pusong naglilingkod sa bawat mamamayan.
Post a Comment