Bansud, Oriental Mindoro – Personal na binisita ni LTGEN FACUNDO O. PALAFOX IV PA, Commander ng Southern Luzon Command (SOLCOM) AFP, ang himpilan ng 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade sa Brgy. Pag-Asa, Bansud, Oriental Mindoro ngayong umaga, ika-26 Pebrero 2025.
Layunin ng pagbisitang ito ay ang pagbibigay ng parangal at pagkilala sa kabayanihan ng mga kasundaluhang nasugatan sa kanilang pakikipaglaban sa mga miyembro ng teroristang grupo noong nakaraang lingo. Sa kanilang hindi matatawarang tapang at sakripisyo, ginawaran sila ng nararapat na medalya bilang pagkilala sa kanilang walang pag-aalinlangang paglilingkod sa bayan. Kasunod nito ay ang pagbisita din nya sa himpilan ng 4th Infantry (Scorpion) Battalion sa Brgy Cambunang, Bulalacao, Oriental Mindoro at ng 68th Infantry (Kaagapay) Battalion sa Brgy Aguas, Rizal, Occidental Mindoro.
Bilang bahagi ng kanyang adhikain na patatagin at palakasin ang kakayahan ng kasundaluhan, nagbigay rin si LTGEN Palafox IV ng isang makahulugang mensahe ng suporta at pagpapatibay ng moral sa kasundaluhan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kanilang dedikasyon sa pagsugpo sa terorismo at pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa Isla ng Mindoro.
Sa kanyang pahayag, ipinaabot ni LTGEN Palafox IV ang taos-pusong pasasalamat at pagpupugay sa mga kasundaluhan ng 203rd Infantry Brigade sa kanilang walang sawang paglilingkod at pagsuporta sa mga adhikain ng Hukbong Katihan ng Pilipinas. Muli niyang tiniyak na ang Philippine Army ay patuloy na magbibigay ng kinakailangang suporta, kagamitan, at pagsasanay upang mapabilis ang pagsugpo sa banta ng terorismo at matiyak ang kapayapaan at seguridad sa buong isla.
Post a Comment