1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill, Isinagawa sa Pamahalaang Panglungsod ng Santa Rosa, Laguna



Santa Rosa, Laguna – Maayos at epektibong naisagawa ngayong araw ang 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa pamahalaang panglungsod ng Santa Rosa, sa pangunguna ng iba't ibang pambansa at lokal na ahensya.

Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng nasyonal at lokal na pamahalaan upang mapaigting ang kahandaan sa oras ng sakuna, lalo na sa malalakas na lindol. Sa pagsisimula ng drill, sabay-sabay na isinagawa ng mga empleyado ng city hall, mga paaralan, residente, at iba pang kalahok ang "duck, cover, and hold" protocol bilang pangunahing hakbang sa pagprotekta sa sarili sa oras ng pagyanig.

Pinangunahan ang earthquake drill ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Undersecretary Ariel Nepomuceno, Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas at Office of the Civil Defense (OCD) CALABARZON Regional Director Carlos Alvarez III. Kabilang din sa mga dumalo at sumuporta sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Diana Rose S. Cajipe, Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Teresito Bacolcol, pati na rin ang mga kinatawan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya.

Layon ng 1st Quarter NSED na masuri ang kahandaan ng mga opisyal, kawani, at mamamayan sa panahon ng lindol, pati na rin ang koordinasyon sa pagitan ng iba't ibang sangay ng gobyerno at pribadong sektor sa emergency response.

Ang pakikiisa ng lokal na pamahalaan ng Santa Rosa, sa pamumuno ni Mayor Arlene Arcillas, ay patunay ng kanilang dedikasyon sa kaligtasan at kahandaan ng mamamayan.

Ang pagsasagawa ng National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ay hindi lang isang routine na aktibidad kundi isang mahalagang hakbang upang matiyak na alam ng bawat isa ang tamang gawin sa oras ng sakuna. Sa pamamagitan nito, naipapakita ang halaga ng kaalaman at mabilis na aksyon—dahil sa panahon ng sakuna, bawat segundo ay may timbang sa kaligtasan ng buhay.
 
Tiniyak ni Mayor Arlene na sapat ang mga kagamitan ng lokal na pamahalaan upang epektibong makapagresponde sa mga sakuna, tulad ng lindol.

"Patuloy nating pinapalakas ang kakayahan ng ating lungsod sa disaster response. Mayroon tayong regular na training para sa ating mga skilled workers upang higit nilang matutunan ang tamang hakbang sa pagresponde. Bukod dito, ang ating City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ay patuloy na nagsasagawa ng trainings at seminars sa mga paaralan, barangay, pribadong establisyemento, at mga kumpanya upang mapalawak ang kaalaman ng lahat tungkol sa disaster preparedness," ani Mayor Arcillas.

Ipinunto rin niya, kung kinakailangan pang dagdagan ang mga kagamitan sa emergency response, hindi magdadalawang-isip ang lokal na pamahalaan na maglaan ng pondo upang mapabuti ang kanilang kakayahan sa pagharap sa mga sakuna.

Sa mensahe naman ni USEC. Nepomuceno binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maayos na engineering solutions sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko. 

"Engineering solutions lamang ang kailangan. Huwag mag-shortcut pagdating sa mga building permit dahil ang ating mga mahal sa buhay ang maaaring mapinsala. Mahalagang tiyakin ang tamang earthquake retrofitting upang patibayin ang bawat istruktura o mga bahay. May oras pa tayo upang suriin kung matitibay ang mga ito," aniya.

Naging sistematiko at maayos ang isinagawang earthquake drill sa Santa Rosa, Laguna—isang patunay ng patuloy na pagsisikap ng gobyerno sa pagpapalakas ng kahandaan ng bansa sa anumang sakunang maaaring dumating. (Shekinah Esteban)

Post a Comment

Previous Post Next Post