Jay Manalo Ilagan ng Mataasnakahoy naghain ng Petition laban sa CWS Partylist



 Naghain ng petition sa Commission on Elections (Comelec) ang isang local government official sa lalawigan ng Batangas laban sa party-list group na kumakatawan sa mga construction worker o  Cws Party List. 

Sa petition ni Vice Mayor Jay Manalo Ilagan  ng Mataasnakahoy Bayang Pinagpala , Batangas, nilabag ng CWS party-list na kinakatawan ni Congressman Edwin Gardiola ang Omnibus Election Code.

Naganap aniya ang vote buying activity sa idinaos na Barako Fest 2025 sa Lipa City Batangas noong February 13 hanggang 15 ng taong kasalukuyan.

Sa reklamo ni Ilagan, nagsagawa ang CWS party-list ng "Last To Take Hands Off Challenge" kung saan nagkaloob ng tatlong brand new Toyota Vios bilang premyo.

Iginiit ni Ilagan, saklaw ng 90 days campaign period ang nasabing aktibidad lalo na ang pamamahagi ng mga bagay na mahalaga upang makaimpluwensya sa mga botante.

Tinukoy ni Ilagan ang Section 261 (A) ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa sinumang kandidato o partido na mamigay ng pera o anumang bagay na mahalaga upang hikayatin ang isang botante na bumoto para sa kanila.

Isinumite ng petitioner sa COMELEC bilang ebidensya ang katibayan ng pahayag umano ni Batangas gobernatorial candidate Vilma Santos Recto na "Ngayon po ay tatlong kotse ang binigay ni Congressman CWS 135," mga dokumento at video na malinaw aniyang paglabag sa batas laban sa vote buying.

Hiling ni Ilagan sa COMELEC na isalang agad sa imbestigasyon ang reklamo at i-disqualify ang CWS party-list.

Post a Comment

Previous Post Next Post