Gobyernong May Solusyon,namahagi ng relief operation sa mga binahang residente ng Malaban Binan Laguna





Ngayong araw, Enero 13, 2026, nagsagawa ng relief operation ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa Barangay Malaban, Lungsod ng Biñan sa pamamagitan ng GOByernong May SOLusyon na pinangungunahan ni Gobernador Sol Aragones. Layunin ng aktibidad na matulungan ang mga residenteng naapektuhan ng pagbaha, kabilang ang mga nananatili sa evacuation center at ang mga pamilyang nakabalik na sa kanilang mga tahanan. 

Pinangunahan ng mga kawani mula sa Tanggapan ng Gobernador ang pamamahagi ng tulong upang masigurong maayos itong makarating sa mga benepisyaryo.

Malaking ginhawa ang hatid ng relief operation sa mga pamilyang patuloy na bumabangon mula sa pinsalang dulot ng kalamidad. Sa kabila ng mga pagsubok na kanilang naranasan, agad na rumesponde ang pamahalaang panlalawigan upang maibsan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente at makatulong sa kanilang muling pagbangon.
Ipinahayag ng mga benepisyaryo ang kanilang pasasalamat sa natanggap na tulong. 

Ayon kay Lucy Amatorio, “Ang kanyang relief na binibigay sa amin ay malaking bagay po iyon sa pangangailangan sa araw-araw. Kaya Gob, maraming-maraming salamat po.”

Para naman sa mga residenteng matagal na nanatili sa evacuation center, nagbigay ng bagong pag-asa ang natanggap na relief. Ibinahagi ni Rolly Bualoy ang hirap ng pananatili roon, “Mahirap po tumira sa evacuation dahil halo-halo ang tao. Mga anim na buwan na po kami doon.” Dagdag pa niya, “Malaking tulong po itong relief dahil bago pa lang po kami maghahanap-buhay at makaka-recover.”

Sa pamamagitan ng GOByernong May SOLusyon, patuloy na ipinapakita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ang malasakit at agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad, lalo na sa panahon ng sakuna, upang matiyak na walang Lagunense ang napag-iiwanan. 

Post a Comment

Previous Post Next Post