Sinimulan na ng San Miguel Corporation (SMC), katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, ang malaking dredging project sa Barangay Landayan, San Pedro City, Laguna isang lugar na matagal nang nakararanas ng matinding pagbaha. Personal itong pinuntahan ni Governor Sol Aragones kasama ang mga lokal na opisyal at mga kinatawan ng SMC upang silipin ang kalagayan ng mga apektadong komunidad sa unang at ikalawang distrito ng Laguna.
Binigyang diin ni Governor Aragones na bagama’t dahan-dahan ang proseso, ito ay simula ng tuloy-tuloy at magkakatuwang na hakbang para maresolba ang problema sa pagbaha sa lalawigan. “Hindi ganun kabilis, pero okay lang maghintay tayo, willing to wait tayo. At least may solusyon na,” ayon kay Governor Sol Aragones.
Matagal nang nakalubog sa baha ang Barangay Landayan, dahilan upang lumipat sa modular learning ang mga estudyante ng Landayan Elementary School. Limang buwan nang apektado ang kanilang pag-aaral habang patuloy na humaharap ang mga residente sa hirap at panganib na dulot ng tubig-baha.
Matapos ang kanyang pagbisita, agad na nagpatawag si Governor Aragones ng pagpupulong kasama ang lokal na pamahalaan ng San Pedro at mga kinatawan ng SMC upang ayusin ang iskedyul ng mga dredging activity at pagplanuhan ang mga susunod na hakbang. Layunin ng proyekto na maibalik ang maayos na agos ng tubig, matanggal ang mga bara sa daluyan, at maiwasan ang muling pagbaha sa mga lugar na palaging apektado.
Ang dredging project na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng SMC para sa rehabilitasyon ng mga ilog at pagpigil sa pagbaha sa buong Laguna. Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na bagama’t unti-unti ang proseso, ito ay may matibay na plano at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya, pribadong sektor, at mga komunidad tunay na tanda ng isang GOByernong may SOLusyon. (30)
Post a Comment