“
Sa isang makabuluhang hakbang tungo sa reporma sa kapulisan at serbisyong nakasentro sa mamamayan, pinangunahan ni Gobernadora Sol Aragones ang paglulunsad ng “Alaga sa Mamamayan” Community Relations Project na ginanap sa Lungsod ng Biñan. May temang “Sa Bagong Pilipinas, Ang Gusto ng Pulis, Ligtas Ka!”, binigyang-diin sa programa ang kaligtasan ng publiko, maagap na pagtugon ng kapulisan, at buong suporta ng lokal na pamahalaan.
Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Gobernadora Aragones ang mga prinsipyong dapat taglayin ng bawat pulis sa Laguna.
“Bawal ang mataray sa ospital, dito po sa provincial PNP bawal po suplado na pulis,” pahayag ng gobernadora. “Dapat makita ng mamamayan na ang mga pulis ay hindi kalaban, ang mga pulis ay kakampi. Ang gusto ko po sa pulis ng Laguna ay una, bawal ho ang mangotong. Pangalawa, bawal ho ang korapsyon.”
Ipinangako rin ng gobernadora ang karagdagang suporta upang matugunan ang pangangailangan ng kapulisan, lalo na sa kanilang mobility at kapakanan.
“Pero dapat tinutulungan ko rin kayo sa pangangailangan ninyo. At tingin ko ho, at narinig ko, ang kailangan ninyo ay dagdag na sasakyan. Next week, ite-turn over na ho namin ang mga dagdag na sasakyan para po sa inyo,” dagdag niya.
“Sa October, magsisimula na rin kayong bigyan ng bigas, kasama ang mga bokal.” Nangako rin siya na pahuhusayin ang komunikasyon ng PNP upang mas mabilis ang pagtugon sa mga emergency sa buong lalawigan.
Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni PLTCOL Allan Reginald Basiya, Hepe ng Biñan CPPS, ang kanilang kahandaan sa serbisyo,
“Three minutes response time, ang agaran pagtugon sa anumang tawag o saklolo.” Sinang-ayunan din niya ang mensahe ng gobernadora,
“Bawal ang suplado na pulis sa Laguna.”
Nagpahayag din ng suporta si Mayor Angelo P. Alonte ng Lungsod ng Biñan sa naturang inisyatibo at tiniyak sa publiko ang kanilang tuluy-tuloy na pagbabantay,
“24/7 nakaantabay po kami dito sa command center ng Biñan.”
Bilang bahagi ng programa, ginawaran ng Certificates of Commendation ang mga natatanging Police Community Relations personnel ng Laguna Police Provincial Office. Kabilang sa mga pinarangalan sina PLTCOL Pimentel (Hepe ng Santa Rosa City Police Station), PCMS Benjie S. Garcia (San Pedro City Police Station), PCMS Pamela Arcel (San Pablo City Police Station), PCpl. Maria Cristina Navarro (Santa Rosa City Police Station), at PCpl. Rivera (Alaminos MPS).
Bukod dito, ginawaran din ng pagkilala sina Mayor Angelo P. Alonte ng Binan Alkalde at Atty. Joycel C. Sopeña, Provincial Director ng NAPOLCOM Laguna, dahil sa kanilang walang sawang suporta sa pagpapatatag ng ugnayan sa pagitan ng pulisya at komunidad.
Partikular na binigyan ng Certificate of Appreciation si Atty. Sopeña sa kanyang tuloy-tuloy na pagtulong sa mga programa ng Laguna Police Provincial Office at sa kanyang dedikasyon sa kapakanan ng mga pulis sa lalawigan. Malaki ang naitulong ng kanyang pakikiisa sa mas pinaigting na operasyon at mas malapit na ugnayan ng PNP sa mamamayan. Pinaalalahanan din ng Philippine National Police ang publiko na libre ang pagtawag sa 911 para sa agarang tulong sa anumang emergency.
Ang paglulunsad ng “Alaga sa Mamamayan” ay sumasagisag sa isang panibagong yugto ng pagkakaisa sa pagitan ng kapulisan at mamamayan, isang ugnayang nakaugat sa integridad, malasakit, at mabilis na serbisyo para sa bawat Lagunense.
Post a Comment